Wednesday, August 20, 2008

Oral History of Ronnie M. Halos








August 16, 2008
Interviewers: Sharmaine Joie Tan and Mary Ann Valeros

R: Mr. Ronnie M. Halos

J: Joie Tan

M: Mary Ann M. Valeros

M: Magandang umaga po, sir. Kami po ay mga magaaral ng Pamantasan ng De La Salle. Kumukuha po kami ng Communication Arts. Narito po kami upang kapanayamin kayo tungkol sa buhay ninyo bilang isang journalist. Maaari po lamang ay ipakilala po ninyo ang inyong sarili.

R: Ako si Ronnie Halos, opinion editor ng Pilipino Star ngayon at PM Pang-masa.

M: Mga ilang taon na ho kayong nagtratrabaho bilang isang journalist?

R: Mayroon na ring katagalan. Nagumpisa ako noong 1983. Bale, 25 years na rin pala. Pero hindi ako kaagad nagumpisa dito sa Pilipino Star Ngayon at Pangmasa. Doon muna ako sa Liwayway Publications pero umalis din ako. Nagtrabaho ako sa Saudi Arabia bilang clerk at habang nadoon nga ako, naging contributor na ako ng Pilipino Star Ngayon at Pangmasa. Pero kapag journalist ka talaga, hahanap-hanapin mo iyung pagsusulat. Kaya nang makabalik ako rito sa Pilipinas, nagapply ako bilang deskman kay Mr. Al Pedroche, ang editor-in-chief namin dito. Noong 1999, napromote ako bilang section editor ng opinyon.

M: Mayroon po ba akong karanasan bilang isang cub reporter?

R: Wala. Ang trabaho ko kasi sa Liwayway Publications ay sa editorial kaagad. Proof reader ang pinaka-una kong trabaho roon. Tapos, ginawa akong deskman at nagpatuloy na iyung pagpropromote sa akin bilang Literary editor. Dito naman sa Pilipino Star Ngayon at PM, nagapply ako bilang isang deskman tapos ngayon ay section editor na ako ng opinion.

J: Anu-ano po ang mga nagustuhan o hindi ninyo nagustuhan sa inyong pagtratrabaho rito sa Pilipino Star Ngayon at PM?

R: Masaya naman ako sa trabaho ko. Maaayos naman ang aming facilities at ang lokasyon naman namin ay maganda rin dahil ito talaga ang sentro ng mga dyaryo. Mabubuti rin naman ang relasyon naming mga magkakatrabaho. Ang hindi ko lang nagugugstuhan minsan ay iyung mga sutil o pasaway na kolumnista na hindi sumusunod sa deadlines.

J: Mga anong oras po naguumpisa at natatapos ang araw ninyo rito sa opisina?

R: Hapon kami usually naguumpisa. Ganoon talaga sa mga dyaryo. Ang pagtatapos ko naman ay nakadipende sa mga kolumnista at kung anong oras nila maipapadala ang mga istorya nila. Importante and deadline para sa akin. Mayroong mga kolumnista na nagbibigay in advance ng mga istorya nila sa isang linggo. Mayroon namang iba na darating ng mga ala una ng hapon nagpapadala, isang araw bago ilabas ang artikulo nila sa dyaryo. Mayroon din naman mga sutil talagal na alas otso na ay wala paring sinusumite. Nakakaasar minsan dahil sa unang pagpasok mo dapat sa isang dyaryo, alam mo na kung ano ang mga deadlines mo. Minsan kailangan pa silang paalalahanan pero dapat sila na mismo ang magkusang maging responsable sa mga deadlines nila.

J: Pumapasok ho ba kayo tuwing holidays?

R: Wala naman kaming talagang bakasyon dito. Dalawang araw lang tuwing Holy Week, Huwebes Santo at Biyernes Santo. Iyun na ang bakasyon namin.

J: Mahigpit po ba mga nasa masmataas na posisyon sa inyo rito sa departmento ninyo?

R: Hindi naman. Hinahayaan kami ng editor-in-chief namin na si Al Pedroche na gumawa ng aming trabaho bilang mga section editor. Nagtitiwala siya dahil alam naman niyang marurunong naman kami.

M: Sinu-sinong mga nakatrabaho o katrabaho po ninyo ang hindi ninyo malilimutan?

R: Mayroon akong nakatrabaho noon sa Liwayway Publications na nakaaway ko. Kaya ako umalis doon dahil sa kanya. Nagiingitan kasi kami. Mula kasi sa pagiging deskman, napromote ako sa pagiging Literary editor. Ikinasama ng loob niya iyun dahil akala niya sumipsip ako sa editor-in-chief namin. Nalampasan ko kasi siya kaya naingit siya sa akin. Mabuti na lamang at hindi ganoon ang kaso rito sa Pilipino Star Ngayon at PM. Maaayos naman ang pakikisama namin sa isa’t isa.

J: Anu-ano po iyung mga importanteng kaganapan sa Pilipinas na nakaapekto sa inyo bilang isang journalist o editor?

R: First year high school pa lang ako nang magkaroon ng martial law. Naramdaman ko na mahigpit na nga sa mga dyaryo noon mga panahon iyun. Nang magumpisa akong magtrabaho noong unang bahagi ng 1980’s hindi ko naman masyadong naramdaman ang martial law dahil magasin ang hawak ko noon at ako ay nasa literaray department. Nang magkaroon ng EDSA I, naging ubod ng luwag ang mga pahayagan. Hanggang ngayon, maluwag pa rin ang kalakaran ng mga dyaryo. Pwedeng-pwedeng murahin kahit si Gloria. Pinakakumita nga ang Pilipino Star Ngayon noong gawan namin ng series si Erap. Nagsulat kami tungkol sa mga babae at pagmamayari niya.

M: Ano po ang pinakanagustuhan ninyong bahagi ng inyong trabaho?

R: Pinakanagustuhan ko ang nakikitang tama na ang lahat ng mga nakasulat. Ang sarap noon sa pakiramdam. Kampante ako na hindi pagtatawan ang dyaryo namin dahil wala na itong mali sa grammar at iba pa. Masama naman kasing mapagtawanan ang mga maliliit na pagkakamaling tulad noon dahil wikang Filipino na nga ang gamit.

M: Kailan ninyo pa po naramdaman sa sarili ninyo na nais ninyong magtrabaho sa mga pahayagan?

R: Nagumpisa ang lahat noong high school pa ako. Mahilig ako noong gumawa ng puzzles na nakikita sa mga pahayagan. Naging interesado ako sa pagsusulat at hindi ko namamalayan ay gumagaling na ako rito.

J: Nakikita ninyo ho ba ang inyong sarili sa ibang propesyon?

R: Hindi ko nakikita ang sarili ko na mayroong ibang trabaho. Masaya ako sa pagiging journalist ko.

J: Bilang isang opinion editor po, ano po iyung masasabi ninyong laman ng isang epektibong opinyon.

R: Ang opinyon ay opinyon lang naman. Basta, halimbawa, laman ng opinyon mo an mga masasabi mo sa isang isyu, masasabi nang isang epektibong opinion iyan. Sa ngayon, maiinit na isyu ang gulo sa Mindanao at ang Cha-cha. Kung ano ang masasabi mo roon, iyun ang opinyon mo.

J: Ano po iyung nagmomotivate sa inyo para ituloy ang pagiging journalist?

R: Nagmomotivate? Basta sa akin, gusto ko talaga itong trabahong ito.

M: Sir, maraming salamat po sa maikling panahon na ito.

Ronnie Halos was born on May 13, 1960 in Pinamalayan, Oriental Mindoro. He holds bachelor's and master's degrees from MLQU and UST. At the time of the interview he was opinion editor at Pilipino Star Ngayon.

No comments: